Corrupt officials target ni Alunan

MANILA, Philippines – Target ni dating Department of Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan III na tuluyang puksain ang mga korap na opisyal ng pamahalaan sa sandaling mailuklok siya sa Senado. 

Ginawa ni Alunan ang pahayag sa isinagawang “Meet the Press” sa National Press Club Building kahapon kasabay ng paglalatag ng kanyang agenda sakaling mahalal bilang senador sa darating na eleksyon sa Mayo.

Ayon kay Alunan,  na dati ring kalihim ng Department of Tourism, una niyang itutulak sa Senado sa pamamagitan ng pagsasagawa ng batas ang “principle in good government” kung saan dapat ang mga halal sa gobyerno ay matino at mahusay upang magampanan nang tama ang kanilang tungkulin sa mga mamamayan nang walang bahid na korap­syon.

Isusulong din ni Alunan ang pagreporma sa “criminal justice system” dahil naniniwala ang da­ting opisyal na kulang sa tamang implementasyon sa pagpapatupad ng batas sa bansa bukod pa sa napakabagal na takbo sa hustisya.

Sa kasalukuyan uma­no’y tila hindi na natatakot ang mamamayan o ma­ging ang mga opisyal ng gobyerno na lumabag sa batas dahil alam nila na kayang tapalan ng pera o kapangyarihan ang ating hustisya.

Bibigyang pansin din ni Alunan ang isyu sa West Philippine Sea at dapat palakasin ang pwersa ng Philippine Coast Guard at ilan pang law enforcement agencies upang mapaigting ang pagbabantay sa teritoryo gayundin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na siyang tututok sa mga yamang dagat na sinisira ng ilang dayuhang bansa.

Plano rin ni Alunan na magpasa ng batas para sa proteksyon ng mga mamamahayag upang mabawasan o mapigilan ang talamak na media killings sa bansa.

Pagpasa ng standardization law para sa mga mamamahayag ang isa sa mga naiisip na solusyon ni Alunan upang mabigyan ng tamang sweldo at benepisyo ang mga mamamahayag dahil naniniwala ang dating opisyal na ang mga ito ay itinuturing na “living heroes” dahil sa responsibilidad nito bilang tagapaghatid ng balita sa publiko.

 

Show comments