MANILA, Philippines – Inireklamo ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang bagong political ad ni Daang Matuwid presidentiable Mar Roxas. Sa kanyang ad ay sinabi ni Roxas na kahit wala siyang madramang kuwento sa kanyang buhay ay maipapangako niyang hindi siya abusado at hindi niya nanakawan ang mga Pilipino. Umani ng papuri ang mga linyang ito sa mga botante lalo na sa mga hindi kumbinsido sa kandidatura ni Roxas.
Tila natumbok ni Daang Matuwid spokesperson Barry Gutierrez ang kasabihang “bato bato sa langit, ang tamaan ay huwag magalit,” tungkol sa mga kalaban ni Roxas na napikon sa mga katagang binitawan nito sa political ad.
Ayon sa tagapagsalita ni Binay na si Atty. Rico Quicho, ang political ad ni Roxas ay paraan ng paninira bagama’t wala namang binabanggit na tao na pinatutungkulan si Roxas sa kanyang ad.
Naunang umapela si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa publiko na huwag iboto ang mga mandarambong dahil marami pa rin ang mapanamantala sa gobyerno, lalo na sa lokal na pamahalaan.
Kabalikat ng pahayag ni Morales ang kampanya ng Simbahang Katolika na sinasabing “huwag magnakaw” sa kanilang mga nasasakupan.