Araw-araw na oral arguments sa kaso ni Poe, hiniling sa SC

MANILA, Philippines – Hiniling ng isa sa mga nagreklamo laban kay Sen. Grace Poe na gawing araw-araw na ang oral arguments ng Korte Suprema upang mapabilis ito.

Sinabi ng abogadong si Estrella “Star” Elamparo sa kaniyang motion for continuous hearings na masiyado nang maikli ang panahon ng mataas na hukuman upang pagdesisyunan ang disqualification case laban kay Poe.

"Considering that time is of the essence and the importance of resolving this case soonest for the guidance of the electorate, petitioner most humbly requests that the oral arguments be set continuously on a daily basis, if possible, until completion," pahayag ni Elamparo.

Aniya sa unang dalawang oral arguments noong Enero 19 at 26, tanging ang kampo lamang ni Poe ang nakapagsalita sa kabila ng pagpapatawag sa kanila ng korte.

Bukod kay Elamparo, naroon din ang iba pang petitioners na sina dating Sen. Francisco "Kit" Tatad, dating University of the East College of Law Dean Amado Valdez at Ateneo Law Professor Antonio Contreras na pawang mga hindi nakapagpaliwanag.

"Considering that at least six representatives from among the public and private respondents are slated to do their presentations, it is anticipated that it will take more than one hearing day to complete the oral arguments," dagdag ng abogada.

Sinabi ni Elamparo na marami ang nakaaabang sa desisyon ng korte, kung saan maging ang pagapaimprenta ng mga balota ay apektado.

Nakatakda dapat magsimula ang pag-iimprenta ng mga balota kahapon ngunit iniusog ito ng Commission on Elections (Comelec) dahil wala pang desisyon ang mataas na hukuman.

Hawak ng Korte Suprema ngayon ang petisyon ni Poe na baligtarin ang hatol sa kaniya ng Comelec na siya ay diskwalipikahin dahil sa kakulangan sa residency requirements at kuwestiyonableng citizenship.

 

Show comments