Villar, nagkaloob ng tulong sa mga kaanak ng binitay na OFW
MANILA, Philippines – Kabilang ang pamilya ng binitay na OFW na si Joselito Zapanta sa mga pinagkalooban ng tulong pangkabuhayan ni Sen. Cynthia Villar at ng Villar SIPAG (Social Institute for Poverty Alleviation and Governance).
Nagtungo sa Senado noong Lunes ang mga magulang ni Zapanta na sina Jesus at Mona Zapanta at tinanggap ang sari-sari store starter package mula kay Villar.
“It is a sad reality that many of our OFWs experience misfortune abroad. When subjected to abuse, there are those who chose to suffer in silence. Some OFWs chose to fight back and ended up in jail,” ani Villar.
Binitay si Zapanta, 35, sa Saudi Arabia noong December 29, 2015 dahil sa pagpatay sa kanyang Sudanese landlord na si Imam Salah Ibrahim, matapos magtalo sa renta.
Matapos mahatulan ng bitay ng Riyadh Grand Court noong April 2010, pinagsikapan ng pamilya ni Zapanta at ng pamahalaan ng Pilipinas na makalikom ng P43 million “blood money” para iligtas si Zapanta sa bitay.
Umaasa rin si Villar na ang nangyari kay Zapanta ay magsisilbing paalala sa ating OFWs na mas mabigat ang parusa sa mga krimen sa ibang bansa kaya dapat nilang sundin ang mga batas dito.
Binigyan din ng tulong pangkabuhayan ang OFW na si Susan Asis, 44, ng Taguig.
Bumalik sa bansa si Asis matapos dumanas ng pisikal na pang-aabuso sa kanyang amo sa Saudi Arabia. Hindi siya pinakain at ikinulong sa kanyang quarters. Si Asis ay kasal sa isang tricycle driver at meron silang anim na anak.
Tumanggap din si Frelyn Aboy, 32, ng Negros Oriental, ng pangkabuhayang tulong mula kay Villar. Ang single parent ng sakiting 3-year-old na anak na babae ay nagtungo sa Saudi Arabia noong Sept. 20, 2015. Regular siyang binubugbog ng kanyang amo at hindi rin binigyan ng suweldo. Inakusahan din siya ng pagnanakaw at ginahasa. Na-stranded siya sa Social Welfare facility sa Jawazat at iniulat na nagtangkang mag-suicide dahil sa kawalang pag-asa.
Bukod sa sari-sari store package, ini-refer din si Aboy sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center para sa proper medical intervention.
Si Rhodel Jayson Barrera, Jr., 43, ng Dipolog City, ay tumanggap ng tulong mula kay Villar. Siya ay may dalawang anak. Nagtratrabaho siya bilang encoder/clerk sa Al Khobar, KSA pero umuwi sa bansa noong May 2015 dahil sa diabetes.
- Latest