MANILA, Philippines - Naglabas ng warrant of arrest ang korte sa lungsod ng Makati laban kay Sen. Antonio Trillanes IV ngayong Lunes.
Pinaaaresto ng Makati Regional Trial Court 142 si Trillanes para sa kasong libel na inihain ng nasipang Makati Mayor Jejomar Erwin "Junjun" Binay Jr. nitong nakaraang taon.
Samantala, alam na ni Trillanes ang arrest warrant at sinabing pinag-aaralan na ng kaniyang mga abogado ang kanilang mga susunod na hakbang.
"Kung layunin ng pamilyang Binay na pigilan ako sa aking pag-uusi, nagkakamali sila," pahayag ni Trillanes.
"Hindi ko hahayaan ang mga magnanakaw na mamuno sa ating bansa," dagdag niya.
Naghain ng kasong libel si Binay laban sa senador matapos akusahan siya ni Trillanes na binayaran niya ang dalawang hukom ng Court of Appeals upang kontrahin ang suspension order ng Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Trillanes na tig-P50 milyon ang ibinayad ni Binay na mariing itinanggi ng CA.
Naghain din ng libel ang ama ni Binay na si Bise Presidente Jejomar Binay laban kay Trillanes.