MANILA, Philippines – Pinangunahan kahapon ni Pangulong Aquino ang send off ceremony nina Japanese Emperor Akihito at Empress Michiko sa Pasay City.
Limang araw na nanatili sa bansa ang Imperial couple na nataon ang pagbisita sa ika-60 anibersaryo ng diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at ng Japan.
Kabilang sa mga nagbigay ng departure honors at nakiisa sa send off rites sina Presidential Sister Pinky-Aquino Abellada, Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at Philippine Ambassador to Japan Manolo Lopez.
Unang bumisita sa Pilipinas si Emperor Akihito noong 1962 sa kapanahunan ni dating pangulong Diosdado Macapagal.
Kabilang sa mga naging highlights ng pagbisita ng emperor at ng empress ang pakikipag-meeting sa Pangulo sa Malacanang, pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Jose Rizal at sa Libingan ng mga Bayani.
Binisita rin ng emperor ang Language Skills Institute ng TESDA at maging ang Japanese Memoral Garden sa Caliraya.
Nauna rito pinuri ng Pangulo ang patuloy na pagtulong ng Japan sa pagpapa-unlad ng Pilipinas.
Ang Japan ang nangunguna sa trading partner ng Pilipinas noong 2014 at pinaka-malaking source ng Official Development Assistance at Investment Promotion Agency-approved foreign investments.