MANILA, Philippines – Naglaan ng P500 million ang Manila city government para sa anim na pampublikong ospital para tiyakin ang ‘health and wellness’ ng mga Manileño.
Ibinalita kahapon ni Dra. Regina Bagsic, over-all coordinator ng Manila public hospitals, ang anim na ospital ay sumailalim sa major repairs at renovations sa ilalim ng hospital modernization ni Mayor Joseph Estrada upang makapagbigay ng pinakamagandang serbisyo.
Kapag natapos na ang renovation ng mga ospital, lahat ito may general medical services gaya ng surgery, internal medicine, maternal at pediatrics services at bawat isa sa kanila ay may specialized service, ayon kay Bagsic.
Ang mga ospital na may specialized service ay ang kinabibilangan ng Ospital ng Maynila Medical Center sa Pres. Quirino Ave., cor. Roxas Blvd., Malate, na siyang 300-bed flagship hospital ng lungsod at may CT Scan at MRI (magnetic resonance imaging) machines.
Ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Delpan Street, Tondo, kung saan naroon ang Manila Dialysis Center (MDC).
Pati ang Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Numancia St., Binondo na naglunsad noong May 2014 ng Automated Auditory Brainstem Response (AABR) hearing test sa mga sanggol.
Kasama rin dito ang Sta. Ana Hospital sa New Panaderos St., Sta. Ana, na may pasilidad para sa nationwide Operation Smile program (para sa mga may Cleft lip) at ang Libreng Palit Tuhod program.
At ang huli ay ang Ospital Ng Sampaloc sa Gen. Geronimo St. cor. Carola St., Sampaloc at Ospital ng Tondo sa Jose Abad Santos Ave., Tondo, na parehong 50-bed capacity.
Ilan sa mga tumutulong sa Estrada administration sa health services program ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce, World Medical Relief, Rotary Club International, Rotary Club of Chinatown, DOH, PhilHealth at Pagcor.