MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Nationalist People’s Coalition (NPC) Rep. Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na dapat resolbahin nito ang problema sa supply ng kuryente sa Mindanao upang masiguro ang maayos na halalan sa Mayo 9.
Sabi ni Gatchalian, kung ano man ang plano ng DOE para maresolba ang krisis sa kuryente sa Mindanao ay dapat lamang na malaman ng publiko dahil concern din ang mga ito sa kaligtasan ng mga election officers gayundin sa kredibilidad ng magiging resulta ng paparating na eleksyon.
Aniya, ang misyon ng DOE ay mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng lahat ng Filipino sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga policy at program upang masiguro ang accessible energy para sa lahat lalo sa Mindanao.
Iginiit pa ni Gatchalian na ito na ang tamang panahon para ipakita ng DOE ang kanilang commitment para maisalba ang Mindanao mula sa power failures at sa posibleng failure of elections.
Magugunita na nag-alala mismo ang Commission on Elections (Comelec) sa magiging botohan sa Mindanao lalo kapag nagkaroon ng brownout sa rehiyon.
Hiniling din ng DOE sa taumbayan na agad ipagbigay-alam ang mga suspicious activities sa mga critical areas matapos pasabugin ang ilang tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Mindanao.