Bangko mahalaga sa pag-unlad ng maliliit na negosyo, trabaho sa kanayunan - Robredo
MANILA, Philippines – Mahalaga ang papel ng mga bangko sa pagpapaunlad ng maliliit na negosyo at paglikha ng trabaho, lalo na sa mga kanayunan, ayon kay Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo.
Sa kanyang speech sa 6th General Membership Meeting ng Bankers Institute of the Philippines, binigyang diin ni Robredo ang kahalagahan ng ibinibigay na pautang ng mga bangko sa maliliit na negosyo.
Ayon sa kinatawan ng 3rd District ng Camarines Sur, ang pagbibigay ng pautang at iba pang serbisyong pinansiyal sa maliliit na negosyo ay nakatutulong sa pagbibigay ng kabuhayan at trabaho sa mas maraming tao.
Maliban dito, ang pagbibigay ng pautang sa maliliit na negosyo ay malaking responsibilidad at malaking pagkakataon para sa industriya ng pagbabangko.
“Ito ang kanilang ambag sa lalo pang pagpapaunlad ng bansa, lalo na sa kanayunan,” wika ni Robredo.
Isa sa mga isinusulong ni Robredo ay ang pagpapaunlad ng kanayunan upang hindi na dumayo pa sa Metro Manila para lang magkaroon ng trabaho o ikabubuhay.
Sa nasabi ring okasyon, iginiit ni Robredo na malaki ang maitutulong ng people empowerment sa pagkakaroon ng malinis na pamahalaan at malawakang kaunlaran.
Para kay Robredo, mauuwi ang malinis na pamahalaan sa tuluy-tuloy na pag-unlad at trabaho para sa taumbayan kung mabibigyan ng boses ang publiko sa pagdedesisyon at pagbuo ng mga programa’t proyekto.
- Latest