MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong graft sa tanggapan ng Ombudsman si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Ayong Maliksi dahil sa umano’y pagpapalabas ng P2 milyong pondo para sa kanyang driver.
Sa walong pahinang complaint affidavit ni Jennifer Castro, pangulo ng Filipino Alliance For Transparency and Empowerment (FATE), nilabag umano ni Maliksi ang mga probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at code of conduct and ethical standards for public officials and employees nang pagkalooban ni Maliksi ng guarantee letter ang kanyang personal driver na si Celestino Aman na may petsang December 9, 2015 para makakuha ng mahigit P2 milyon ayuda mula sa ahensiya.
Nakasaad pa sa reklamo na malinaw na may preferential treatment o pinaboran umano ni Maliksi si Aman para makakuha ng kabuuang P2,151,955.33 na grant mula sa ahensiya.
Personal din umanong inendorso ni Maliksi ang mabilis na pagpapalabas ng benepisyo para kay Aman.
Nakasaad umano sa polisiya ng PCSO na ang ibinibigay na medical assistance sa isang pasyente ay base sa “socio economic evaluation” nito, percentage ng net bill habang hindi rin sakop ang professional fee, room charges at mga discounts.
“Thus what was granted to a single person/patient and shown on a single guarantee receipt is the full amount of Mr. Aman’s hospital bill without deduction or coming up with the net bill,” ani Castro.
Sumulat pa umano si Maliksi sa Philippine Heart Center kung saan na-confine si Aman para gamitin din ang kanyang unused PDAF bilang pantapal sa balanse ni Aman para sa bayad sa kuwarto at professional fee na nagkakahalaga ng P700,000 gayung hindi na ito mambabatas.