MANILA, Philippines - Ginisa ni Senador Juan Ponce Enrile ang testigong si Atty. Renato Bondal sa ginawa nitong presentasyon kahapon sa ika-25 pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee hinggil sa sinasabing katiwalian sa Makati.
Kinuwestyon ni Enrile si Bondal kung saan nito nakuha ang mga koneksyon ng sinasabing mga kaibigan ni Vice President Jejomar Binay sa iba’t-ibang kompanya at magkano ang halaga ng dumadaang pera rito.
Sinabi ni Enrile na, bagaman nirirespeto niya ang ginawang presentasyon ni Bondal, hindi ito nangangahulugang wasto at totoo ang mga ito sa batas.
Kulang anya sa pananaliksik at pawang espekulasyon ang pahayag ni Bondal na hango sa ulat sa mga pahayagan lamang.
Hindi lulusot sa hukuman ang mga alegasyon laban kay Binay na inilabas sa mga hearing ng Senate blue ribbon sub-committee, ayon kay Enrile.
“Kapag ipapakita mo sa husgado, wala iyang silbi. Kailangang tuntunin mo ang pera. Saan galing? Paano nangyari ang transfers ng pera,” tanong ni Enrile.
Tinawag rin ng Senate minority leader na “misleading figures” ang mga idinetalyeng anomalya na ‘di umano’y may koneksyon kay Binay.
Kaugnay nito, tinapos na rin kahapon ng subcommittee ang imbestigasyon laban kay VP Binay.
Pero agad ding nilinaw ni Senator Aquilino Pimentel III, chairman ng subcommittee na maaari pa ring arestuhin ang mga personalidad na ipinapaaresto ng komite kaugnay sa kontrobersiya.
Samantala, ayon sa kampo ni Binay, tinapos ng Sub-committee ang pagdinig nito na puro mga binuhay na dating kasinungalingan at walang basihang alegasyon.
“Itinampok lang ang halata na sa sinasabing pinal na pagdinig ng sub-committee. Pagkatapos ng 25 pagdinig, walang naipakitang mapapanaligan at katanggap-tanggap na ebidensiya para suportahan ang mga akusasyon laban sa Bise Presidente. Pag-aaksaya lang ng oras at pera ng Senado ang mga pagdinig,” sabi ni Atty. Renato Quicho, vice presidential spokesperson for political affairs.
Sinabi ni Quicho na ipinamalas lang sa huling pagdinig na ang mga resource person lalo na sina Bondal at Mercado ay walang personal na kaalaman sa mga isyung binigyan nila ng testimonya.
Sinabi pa ni Quicho na ibinase lang ni Bondal ang kanyang mga testimonya sa mga lumalabas sa pahayagan. Inulit lang din ni Mercado ang mga kasinungalingang kanyang inilalako mula pa lang sa simula ng pagdinig noong nakaraang taon. - Malou Escudero/Ellen Fernando