Marcelino huwag munang husgahan – AFP

MANILA, Philippines – Umapela kahapon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na huwag munang husgahan si da­ting drug buster Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino kaugnay ng hinalang sangkot o protektor ito ng international drug syndicates  sa bansa.

Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, inosente si Marcelino hangga’t hindi ito napapatunayang guilty sa kaso.

Ayon kay Padilla, nakahanda ang AFP na bigyan ng legal assis­tance si Marcelino kung hihi­lingin ito ng akusadong Marine Colonel.

Si Marcelino ay nasakote kasama ang hinihinalang big time Chinese drug trafficker na si Yan Yi Shou ng pinagsanib na elemento PNP-Anti-Illegal Drugs at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa raid sa clandestine shabu laboratory sa Sta. Cruz, Maynila noong Huwebes na nakalipas kung saan nasamsam sa lugar ang 64 kilo ng shabu at mga kemikal na umaabot sa P 320 M halaga. Iginiit naman ni Marcelino na may mission order umano siya galing kay dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Phil. (ISAFP) Chief at ngayo’y Army Chief Lt. Gen. Eduardo Año. Iginiit naman ng heneral na noong aktibo pa siya sa ISAFP ang nasabing mission order at matapos siyang matalaga sa ibang puwesto ay wala na siyang koneksyon kay Marcelino.

Nang matanong naman ang reputasyon ni Marcelino, sinabi ni Padilla na isa itong mahusay na opisyal at kilala ang dedikasyon sa trabaho kaya’t labis silang nasorpresa ng maaresto ito sa drug raid.

Magugunita na noong aktibo pa si Marcelino bilang hepe ng Special Enforcement Service (SES) ng PDEA noong panahon ni dating Executive Gene­ral Dionisio Santiago ay marami itong nalansag na sindikato ng droga at bukod dito maging ang kabulukan sa ahensya sa pagbebenta ng mga tiwali nitong opisyal na nakipagsabwatan sa international drug syndicates ay binangga rin ni Marcelino.

Show comments