MANILA, Philippines – Siniguro ng liderato ng Kamara na gagawin nila ang lahat upang maipasa ang panukalang ‘tax exemption’ para kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., posibleng palusutin ng Kapulungan ang House Bill 6367 na layong ma-exempt sa pagbubuwis ang lahat ng mga napanalunan, perks at maging ang korona ni Wurtzbach.
Ang nasabing panukala ay inihain ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na nauna nang umapela sa mga Kongresista na pagtibayin ang panukala para sa tubong-CDO na si Wurtzbach.
Sinabi ni Belmonte na suportado niya ang panukala ni Rodriguez, lalo’t pinaghirapan at inspiring ang tagumpay ng kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe.
Sa panig naman ni House Majority Leader at House Committee on Rules Chairman Neptali Gonzales II, sinabi nito na tama lamang na ipasa ang tax exemption bill para kay Wurtzbach.
Nai-refer na ng komite ni Gonzales ang house bill sa Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Marikina Rep. Miro Quimbo.
Paliwanag ng Kongresista, handa siyang talakayin sa lalong madaling panahon ang panukala bagama’t iilang araw na lamang ang nalalabi bago mag-adjourn ang Kongreso para sa eleksyon.