MANILA, Philippines – Malasakit sa mamamayan.
Ito ang unang prayoridad ni senatorial candidate at Leyte Rep. Martin Romualdez kapag siya ay pinalad na manalo sa pagka-senador sa Mayo.
Sinabi ni Romualdez sa Rapplers “The Leader I Want” forum, ang sasakupin ng “Malasakit” program ay mabilis na serbisyo publiko, de kalidad at libreng edukasyon, abot kayang serbisyong medical, at pagkain sa bawat hapag kainan.
“Ang tunay na malasakit ang tutugon sa aking pag-akyat sa Senado,” tugon ni Romualdez sa mga estudyante ng De la Salle University Manila kung saan ginanap ang forum.
Paliwanag ng kongresista, nagbago ang kanyang pananaw lalong lalo na ng makita niya ang paghihirap hindi lang ng mga kababayan bagkus sa iba pang panig ng bansa matapos na hagupitin ng bagyong Yolanda.
Idinagdag ni Romualdez na ang nag-udyok para sa kanyang pagtakbo sa senado ay hindi para sa kanya kundi para sa mga mamamayan na naghihintay ng tunay na Malasakit ng gobyerno lalong lalo na tuwing may kalamidad.
Nanawagan din si Romualdez sa pamahalaan na ipatigil ang anti-poor policy kung saan hanggang sa ngayon ay ipinatutupad pa rin ang deposito muna bago tanggapin ang kawawang pasyente sa mga hospital.
Isusulong niya rin na mapaisabatas ang universal health care kung saan ang may sakit ay magkaroon ng libreng serbisyong medikal partikular sa hindi kayang magbayad at makapagdeposito sa mga hospital.