MANILA, Philippines – Matapos ang makasaysayang pagwawagi, dumating na kahapon sa bansa si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach.
Si Pia na ikatlong Miss Universe simula 1973 ay pinagkaguluhan sa NAIA Terminal 2 ng dumating bandang alas-6 ng umaga.
“Thank you very much for coming here. I know it’s quite early, but I appreciate your taking your time to come here,” sabi ni Wurtzbach sa kanyang supporters na naghintay sa kanya sa NAIA VIP Lounge.
Umapela rin si Pia sa mga kababayan na suportahan ang kanyang grand homecoming parade bukas.
Sana aniya ay maraming mga kababayan ang lumabas sa mga lansangan at mag-abang sa kaniya.
Kaugnay nito, nakahanda na ang ipatutupad na seguridad ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng route security sa gaganaping motorcade bilang bahagi ng grand homecoming parade para kay Wurtzbach bukas, Enero 25.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez, nagsagawa na sila ng inspeksyon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Joel Pagdilao sa mga lugar na daraanan ng ruta ng motorcade ni Miss Universe.
Sinabi ni Pagdilao na may sapat na bilang ng mga pulis na magbabantay sa mga lugar na daraanan ng motorcade.
Maging ang mga traffic enforcers ay nakahanda ring umalalay sa parada na titiyak naman sa maayos na daloy ng trapiko.
Ang grand parade para kay Wurtzbach ay mag-uumpisa sa Sofitel Hotel sa Pasay City at dadaan sa Roxas Boulevard, Taft Avenue, Qurino Avenue, Gil Puyat Ave. patungong Ayala Avenue sa Makati City.
Habang bumabagtas sa Ayala Ave. si Pia ay magkakaroon ng shower of confettis.
Magkakaroon din ng victory parade sa kahabaan ng Ayala na inihanda ng pamahalaang lungsod ng Makati para kay Wurtzbach.
Inaasahan rin ang courtesy call ni Wurtzbach sa Palasyo ng Malacañang at sa Enero 26 naman sa pamahalaang lungsod ng Makati kung saan sasamahan ito ng mga opisyal ng Miss Universe Organization at Binibining Pilipinas Charities Inc.
Ang 26 anyos na Filipina-German model at actress na si Wurtzbach ang ikatlong Miss Universe mula sa Pilipinas. Ang dalawang iba pa ay sina Gloria Diaz (Miss Universe 1969) at Margie Moran (Miss Universe 1973).