MANILA, Philippines – Laya na mula sa Manila Police District-Station 5 ang dating ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca II matapos makapagpiyansa sa dalawang kaso ng libelo na nakahain sa Mindanao.
Gayunman, may panibagong kaso ng libel na naman ang inihain laban kay Menorca.
Nabatid mula sa tanggapan ni MPD-station 5, P/Supt, Albert Barot, ang dating dalawang libel case ay nagmula umano ang warrant of arrest sa korte sa Lanao del Norte at ang kasalukuyang kasong libel naman ay inihain umano sa Cavite Prosecutors Office at nagpadala na ng subpoena sa kanilang presinto para kay Menorca.
Saad umano sa subpoena na inaatasan si Menorca na dumalo sa hearing sa Marso 4, 2016.
Nilinaw ni Barot na hindi warrant of arrest kundi subpoena ang ipinadala kay Menorca kaya maari na itong lumaya anumang oras dahil kahapon ay nagpalabas na ng release order ang Bail Duty na si Judge Silverio Castillo para kay Menorca sa piyansang P20,000 sa 2 libel case.
Matatandaan na dakong alas 7:45 ng umaga nang arestuhin si Menorca na dadalo sana sa pagdinig sa Court of Appeals (CA) para sa cross examination kaugnay sa kasong inihain niya laban sa pamunuan ng INC.