Cabinet members inaasahang dadalo sa Mamasapano probe
MANILA, Philippines - Inaasahan ng liderato ng Senado na sisipot ang mga miyembro ng Gabinete at matataas na opisyal ng militar at pulisya na ipinatawag sa panibagong pagdinig sa naging engkuwento sa Mamasapano noong nakaraang taon na ikinasawi ng 44 SAF members.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, buong kooperasyon ang inaasahan niya mula sa Malacañang.
Sinabi ni Drilon na hindi na rin dapat humingi ng advance na listahan ng katanungan ang Palasyo dahil hindi nila ito ibibigay.
Mahihingan lamang umano sila ng advance questionnaires kapag question hour o kapag nakasalang na ang Cabinet member sa direktang pagtatanong ng mga senador sa gitna ng kanilang plenary session.
Sa mga pagdinig nung nakaraang taon ng Senate Committee on Public Order, sumipot naman ang mga miyembro ng Gabinete at mga opisyal at tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Hindi rin sila humingi ng questionnaires at nagpagisa sa Senado at Kamara.
Gagawin ang muling pagdinig tungkol sa engkuwentro sa Mamasapano dahil na rin sa kahilingan ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na mayroon umanong nais linawin sa nangyari.
- Latest