MANILA, Philippines — Canada o Japan.
Ito ang dalawang bansang sinagot ng itiniwalag na ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) nang alukin siya umano ng ilang miyembro na umalis na ng Pilipinas at manahimik na lamang.
"We have two options—either we go along with their plan kasi to the point tinanong na ako,'Saang bansa mo gusto pumunta?' Sabi ko, 'Pwede pong Canada, pwedeng Japan,'" wika ni Menorca sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News.
Sinabi pa ng itiniwalag na ministro na nasabihan na rin siya na may mga naipasa nang visa application upang mapabilis ang kanilang pag-alis.
"Either we just go far away and be silent na or we fight this out 'til the end. We really tried to give him the assurance na 'Sige po, just for the sake of the church we are willing to be silent,'" dagdag niya.
Aniya may mga nakapagsabi na rin sa kaniya tungkol sa serye ng mga kaso laban sa kaniya at ang pag-aresto.
Nitong Miyerkules ay dinakip si Menorca para sa kasong libel ilang oras bago siya humarap sa Court of Appeals para sa kaniyang petitions of writs of habeas corpus at amparo laban sa INC.
Aniya pakana ito ng kanilang simbahan upang pigilan siya.
Itinanggi ng INC na may kinalaman sila sa pag-aresto kay Menorca at sinabing sapat na sakanila na itiniwalag nila ang ministro.
Noong Oktubre 2015 ay pinaratangan din ni Menorca ang INC na nasa likod ng pagdukot sa kaniya at pagkulong sa loob ng compounds nang tatlong buwan.