MANILA, Philippines – Isang magandang simula ang pagsasabatas ng Sangguniang Kabataan Reform Act sa giyera kontra political dynasty sa bansa, ayon kay Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo.
Isa sa mahalagang probisyon ng SK Reform Act ang anti-dynasty kung saan pagbabawalang tumakbo ang mga kamag-anak ng nahalal at nahirang na opisyal bilang miyembro ng SK, hanggang sa tinatawag na second level of consanguinity.
Bukod dito, itinatakda ng SK Reform Act ang pagtatatag ng Local Youth Development Council (LYDC), na siyang tutulong sa mga pinuno ng SK sa pagbalangkas ng mga programa’t proyekto para sa mga kabataan at titiyak sa paglahok ng mas maraming grupo ng mga kabataan.
Ang yumaong asawa ni Robredo na si dating Naga City Mayor Jesse, ang nagtatag ng isa sa mga unang local youth councils sa bansa.
Itinaas din ang edad ng SK officials patungong 18 hanggang 24 taong gulang, upang maging ligal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.
Kailangan na ring sumailalim sa leadership training programs ang mga SK official upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa pagtupad sa tungkulin.
Mabibigyan na ang SK officials ng kalayaan pagdating sa pananalapi dahil sampung porsiyento ng general fund ng barangay ay ilalaan sa Sangguniang Kabataan.
Ang SK Reform Act ang ikalawang panukala ni Robredo na inaprubahan ni Pangulong Aquino, kasunod ng Tax Incentives Management and Transparency Act.