Presidentiables ‘naduwag’

Ang tambalan nina Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte at Senate Majority floor leader Alan Peter Cayetano ang ta­nging dumalo sa pinakaunang presidential forum na inorganisa sa Teresa Yuchengco Auditorium ng De La Salle University (DLSU) nitong Miyerkules. File photo/Facebook/Alan Peter Cayetano

MANILA, Philippines – “Last men standing.”

Ganito inilarawan ni Maria Ressa ng Rappler si Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte at Senate Majority floor leader Alan Peter Cayetano, ang ta­nging tambalan na dumalo sa pinakaunang presidential forum na inorganisa sa Teresa Yuchengco Auditorium ng De La Salle University (DLSU) nitong Miyerkules.

Pagkatapos uma­nong magkumpirma ng pagdalo, ang ibang mga tambalan sa eleksyon ay isa-isang nagback-out sa forum na pinamagatang “#TheLeaderIWant Tandem Forum.”

Sa naganap na programa, iginiit nina Duterte at Cayetano na makakamtan lamang ang tunay na pagbabago kung aalisin ang pahirap at gulo sa bayan.

Ipinaliwanag ni Duterte na ang plataporma nila ay isang komprehensibo at matapang na sagot sa kaguluhan sa lipunan na nagbunga ng kakulangan ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

“Sobra na ang kaguluhan. Walang seguridad ang mga tao. Sobra na ang gulo at pahirap na dinadanas ng tao. Sino ba naman ang hindi mapapamura kung paggising mo pa lamang sa umaga hanggang sa pagtulog mo sa gabi, walang tigil ang pahirap at gulo sa ating bayan,” ani Duterte.

Naniniwala naman si Cayetano na kailangan nang i-overhaul ang magulong sistema.

“Hindi na pwede ang pwede na. Hindi na pwede ang konting pagbabago. At lalong hindi na pwede na magpatuloy ang ligaya ng mga nang-aabuso,” ani Cayetano.

Ang kailangan aniya ay matapang na solusyon at mabilis na aksyon para tapusin ang gulo.

Sa naganap na prog­rama, sinagot din nina Duterte at Cayetano ang mga katanungan tungkol sa iba’t ibang problema ng bansa, mula sa trapik hanggang sa mabagal na internet speed.

Show comments