MANILA, Philippines – Nababahala ang Palasyo sa pinakabagong aktibidad ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma ngayong Miyerkules na ang iba pang mga bansa na umaangkin sa teritoryo ang hindi sangayon sa pagdating ng mga Chinese visitors sa bagong gawang paliparan sa man-made island ng China sa Kagitingan Reef (Fiery Cross).
"Hindi lang naman Pilipinas, kundi ang maraming bansa ang nagpahayag na ng kanilang pagkabahala sa mga kaganapang iyan," pahayag ni Coloma.
BASAHIN: Kagitingan reef tumanggap na ng mga bisita mula China
Dumating sa isla ang mga asawa at anak ng mga tauhan ng China sa pinag-aagawang teritoryo kasunod ng ilang test flights nila na tinutulan na rin ng Pilipinas.
Iginiit ni Coloma ang kahalagahan ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea at ang principles of freedom of navigation and overflight sa pinag-aagawang teritoryo.
"'Yan ang pinagbabatayan ng posisyon ng ating bansa at ‘yung ating patuloy na pagtataguyod sa mapayapang at madiplomatikong resolusyon ng mga disputes regarding maritime entitlements in the West Philippines Sea," dagdag ng tagapagsalita.
Sa kabila ng protesta ng Pilipinas ay patuloy pa rin ang China sa kanilang mga aktibidad.