MANILA, Philippines - Hayagan ng inanunsiyo ng Buhay partylist ang kanilang pagsuporta sa kandidatura ni Vice-President Jejomar Binay sa darating na Presidential elections.
Inihayag ni Mel Robles, pangulo ng Buhay partylist, ang pagsuporta sa kandidatura ni Binay sa ginanap na boodle fight sa Juliana Market sa Quezon City, na dinaluhan din ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza.
Ayon kay Robles, naniniwala sila na ang kailangan ngayon ng bayan ay isang magaling na lider na nagmamaneho tungo sa kaunlaran.
Idinagdag pa nito na lahat ng Filipino ay gustong guminhawa ang buhay kaya ang dapat ay pumili ng tamang lider sa darating na eleksyon sa Mayo.
“Kami po sa Buhay partylist ay naniniwala kasama si Cong. Lito Atienza na ang kailangan lang po ng bayan natin ay magaling na lider, yun pong nagmamaneho tungo sa kaunlaran”.
Kaya iisa lamang umano ang dapat gawin ng bawat isa at ito ay ang pumili ng marunong magmaneho upang guminhawa ang buhay ng lahat.
Si Robles ay siya ring third nominee ng Buhay partylist at siya ring nangunang partylist noong 2013 elections kaya sila lamang ang mayroong three seats sa Kamara sa kasalukuyan.