MANILA, Philippines - Gumagawa na ng hakbang ang mga senador upang baliktarin ang ginawang pag-veto ni Pangulong Aquino sa panukalang dagdagan ng P2,000 ang tinatanggap ng mga pensioner ng Social Security System (SSS).
Nabatid kay Senator Francis “Chiz” Escudero na ipinaiikot na sa Senado ang draft ng isang resolusyon na nagpapahayag ng sentimyento ng Senado na i-override ang ginawang pagharang ng Pangulo sa panukala.
Nilinaw ni Escudero na hindi pa nakukuha ang kinakailangang 16 na lagda ng mga senador bago ito dalhin sa plenaryo ang resolusyon.
“May pinapaikot po kaming resolusyon na hindi pa nakakakalap ng sapat na pirma. Siguro ‘pag nasagad na namin lahat ng kayang makuhang pirma, du’n na lamang namin siguro ilalabas to be fair to those na hindi pa nabibigyan ng tsansa na ilagay ‘yung pirma nila,” ani Escudero.
Nais muna ni Escudero na makuha ang kinakailangang lagda ng mga senador bago ilabas ang resolusyon.
Binanggit rin nito na dapat magkaroon ng kahalintulad na hakbang sa House of Representatives lalo pa’t doon nagmula ang panukalang batas na naglalayong magpatupad ng karagdagang P2,000 sa pensiyon ng SSS.
Kinakailangang magkahiwalay na pagbotohan sa Senado at House of Representatives ang pag-override sa veto ng Pangulo.
Tiniyak ni Escudero na hindi magiging problema sa Senado ang pagkuha ng quorum bagaman at posibleng maging problema ito sa House of Representatives.
Kinakailangang makakuha ng two-third votes sa dalawang kapulungan.
Kung 16 ang kinakailangang boto sa Senado, 190 boto naman sa House of Representatives.