MANILA, Philippines – "Hindi naman po ang organisasyong Iglesia Ni Cristo (INC) ang umaaresto sa kanya, yung mga pulis."
Ito ang sagot ng INC sa pahayag ng itiniwalag na ministro Lowell Menorca matapos niyang paratangan ang grupo na nasa likod ng pagkaaresto niya ngayong MIyerkules ng umaga.
Sinabi ni INC spokesperson Edwin Zabala sa isang panayam sa radyo na wala silang masamang balak sa dating kasamahang si Menorca na inaresto para sa kasong libel.
"Itiniwalag na po namin si Menorca sa Iglesia Ni Cristo. Sapat na po 'yun sa panig ng Iglesia... the most that can be done as far as his membership with the church is concerned," wika ni Zabala sa dzMM.
Dagdag niya na ang dapat kuwestiyonin ni Menorca ang mga awtoridad na umaresto sa kaniya.
Kinumpirma naman ni Zabala sa isang pulong balitaan na mga indibidwal na miyembro nga ng INC ang naghain ng reklamo laban kay Menorca dahil sa mga naging pahag ng dating ministro.
Nauna nang sinabi ni Menorca na siya ang itinuturo ng INC na nasa likod ng blog na “Silent No More” na nagsiwalat ng mga umano’y kaanomalyahan sa organisasyon.
Patungo sanang Court of Appeals (CA) si Menorca para sa kaniyang writs of habeas corpus at amparo na inihain laban sa INC.
Samantala, nagtakda ng bagong petsa ang CA para sa pagdalo ni Menorca.