MANILA, Philippines – Kumpiyansa pa rin si independent presidential contender Senator Grace Poe na papanig sa kanya ang batas at maging sa lahat ng mga batang inabandona na maaaring matanggalan ng kanilang karapatan sa nasyunalidad kung mananalo ang mga kalaban niya sa pulitika.
Sa isinagawang oral argument sa Korte Suprema kahapon ay tinalakay ang mga isyung kumukwestiyon sa kaniyang citizenship at residency.
Nasa 13 mahistrado lamang ang kabilang sa deliberasyon dahil sina Justice Arturo Brion ay on-leave habang si Justice Martin Villarama ay nagretiro na noong Enero 16.
“Matibay ang pananalig natin na kakatigan tayo ng batas sa ipinaglalaban nating karapatan ng mga inabandonang bata. Hindi ko kasi matanggap ang sinasabi ng ilan na ang isang foundling ay ituturing na stateless o walang nasyonalidad pagkapanganak. Responsibilidad ng batas na proteksyunan ang karapatan ng mga mahina at walang laban,” pahayag ni Poe.
Iginiit ni Poe na ang burden of proof ay dapat patunayan ng kampo ng mga kumukuwestiyon dito dahil noong sanggol ay inabandona na siya sa simbahan sa Jaro, Iloilo na katibayang isa siyang natural born at hindi pwedeng sabihin na isa siyang ‘stateless’.
Binigyang-diin ni Poe, na batay sa umiiral na pandaigdigang mga batas, ang isang batang abandonado at hindi nakilala ang tunay na mga magulang ay mamamayan ng bansang kinatagpuan sa kanya, taliwas sa ibig palabasin ng mga kalaban sa pulitika na ang isang pulot na bata o “foundling” ay “stateless” o walang bansang kinabibilangan.
“Ngayon sa pagsalang ko dito sa Korte Suprema, ito po ay kasama ng progreso, ako po ay umaasa na katulad rin ng desisyon na binigay nila kay FPJ noon ay mapapasaatin din. Kaya ako po ay patuloy na nananalangin at umaasa.”