MANILA, Philippines – Nangangamba si Atty. Harry Roque na magkaroon ng constitutional crisis sa bansa matapos maglabas ng kautusan ang Supreme Court (SC) na nag-aatas na panumpain ang anak ni Supreme Court Justice Presbitero Velasco, bilang Representative ng Marinduque.
Sa kabila nito, nilinaw ni Roque na nananatiling si Rep. Regina Ongsiako Reyes pa rin ang lawful Representative of Marinduque sa Kongreso dahil wala namang aktuwal na resolusyon na inisyu ang Mataas na Hukuman hinggil rito.
Tiniyak rin ni Roque sa mga mamamayan ng Marinduque na maghahain sila ng apela sa takdang panahon.
Iginiit ni Roque na lahat ng electoral protest na kinasasangkutan ng mga kongresista ay dapat na desisyunan ng House of Representatives Electoral Tribunal, na ang tumatayo rin naman chairman ay si Justice Presbitero Velasco.
Kinuwestiyon ng kampo ni Rep. Reyes ang hindi pagbibigay sa kanya ng due process ng Comelec at sa Korte Suprema, sa mga pagdinig sa disqualification case laban sa kanya.
Hindi aniya siya nabigyan ng tiyansa na makapagprisinta ng mga ebidensya at ng pagkakataon na idepensa ang kanyang sarili at patunayang siya ay isang natural born citizen at kuwalipikadong
tumakbo sa halalan.
Sinampahan ng diskuwalipikasyon si Reyes, batay lamang sa isang blog sa internet, na ang may gawa ay ni hindi nakita at hindi rin humarap man lamang sa mga commissioners ng Comelec para tumestigo.