MANILA, Philippines - Nais ni Liberal Party vice presidential candidate at Congresswoman Leni Robredo na baguhin at palakasin ang sistema ng barangay sa bansa upang mas maging epektibo sa paghahatid ng serbisyo sa taumbayan.
Sa pamamagitan ng kanyang House Bill 6387 o ang Barangay Reform Act, umaasa si Robredo na mababawasan ang pasaning pinansiyal ng mga barangay, palakasin ang kakayahan ng barangay officials at volunteers at tiyaking naipatutupad ang mga programa at proyekto.
Ayon kay Robredo, ang pagpapalakas ng mga barangay ay mauuwi sa epektibong pagpapatupad ng iba’t-ibang mahahalagang proyekto ng pamahalaan tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Bottom Up Budgeting (BUB).
Sa panukala, aalisin na sa barangay at ilalagay sa national government ang tungkulin na bigyan ng honorarium ang isang barangay health worker at 20 tanods sa bawat barangay sa bansa. Sa hakbang na ito, magagamit ang pera mula sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng barangays sa iba pang serbisyo.
Inoobliga rin ang national government na magsagawa ng trainings para sa barangay officials, barangay health workers at barangay tanods upang mas maging epektibo sila sa serbisyo publiko.
Babaguhin din ng panukala ang term limits ng barangay officials mula sa tatlong taon na tatlong term limit patungong limang taon na may dalawang sunod na term limit.