MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ng Malakanyang ang mga mambabatas na ikonsidera ang 30 milyong aktibong miyembro ng Social Security System bago i-override ang ginawang pag-veto ni Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang dagdag sa SSS pension.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na. bukod sa milyun-milyong tao ang maaapektuhan ng panukalang batas, nakataya rin ang pondo ng SSS.
“Mainam na isaalang-alang ng ating mga mambabatas ang kahalagahan na patatagin ang pondo ng SSS at tiyakin ang kasiguruhan ng pagbabayad ng benepisyo sa lahat ng mahigit 30 milyong miyembro nito,” paliwanag ni Coloma.
Ipinagtanggol ni Coloma ang desisyon ng Pangulo sa pagsasabing tinanggihan o nag-‘veto’ ang pangulo sa panukalang P2,000 dagdag sa pension ng mga SSS retirees para sa kapakinabangan ng mayorya at ng susunod na mga henerasyon.
“Sa kanyang pahayag noong Biyernes sa Malolos, sinabi ni Pangulong Aquino na siya ay nagpasya bilang ama ng bayan at pinuno ng responsableng pamahalaan na hindi magpapasa ng malaking suliranin sa susunod na administrasyon,” dagdag ni Coloma. “Mahalagang isaalang-alang din ng mga kasalukuyang nanunungkulan ang epekto ng kanilang mga desisyon ngayon sa kinabukasan at kapakanan ng higit na nakararaming mamamayan.”