MANILA, Philippines – Hindi magpapatupad ng revamp o pagbabalasa sa kanilang mga opisyal ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng nalalapit na pagdaraos sa May 2016.
Ito ang inihayag ni AFP Public Affairs Office (AFP- PAO) Chief Col. Noel Detoyato sa gitna na rin ng mainit na labanan ng mga magkakatunggaling kandidato ngayong pumasok na ang election period.
Una nang binalasa ng PNP ang mahigit 700 nitong mga opisyal partikular na ang mga Provincial Director at Regional Director upang hindi umano maimpluwensyahan ng mga tumatakbong kandidato.
Ikinatwiran ni Detoyato na hindi naman saklaw ng kapangyarihan ng mga pulitiko ang mga sundalo lalo na sa mga kanayunan kaya hindi na kailangan pa ang mga itong balasahin.
Bukod dito’y upang hindi maapektuhan ang kanilang misyon lalo na sa paglipol sa mga armadong grupo na banta sa pambansang seguridad.
Sinabi ni Detoyato na malinaw naman ang direktiba na hindi makisawsaw sa pulitika ang mga sundalo dahilan kapag sinuway ang nasabing kautusan ay siguradong may kalalagyan ang mga ito.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay patuloy ang kanilang paglalansag sa mga Private Armed Groups (PAGs) at mga loose firearms katuwang ang PNP upang matiyak ang SAFE (Safe and Fair Elections) 2016.