MANILA, Philippines – Matapos ulanin ng batikos ay ipinaliwanag ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Biyernes kung bakit niya ibinasura ang panukalang magtataas sa buwanang benepisyo ng mga Social Security System (SSS) pensioners.
Sinabi ni Aquino na may basehan ang kaniyang desisyon na huwag aprubahan ang dagdag P2,000 kada buwan na pensyon.
"Hindi kapritso 'to. Pinag-aralan at ibabangkarote mo 'yung SSS 'pag pinasukan 'to by 2027. At siguro maski sinong mamamahala ng gobyerno, importante na may commitment and estado, in this case the SSS, na agency ng gobyerno na ibigay sa iyo 'yung benepisyong pinangako sa iyo," pahayag ni Aquino.
Ipinaliwanag ni Aquino na 2.15 milyon SSS pensioners lamang ang makakatanggap ng dagdag pensyon, habang 30 milyong miyembro ng SSS ang maaapektuhan.
Aniya mangangailangan ang panukala ng P56 bilyon kada taon upang mapondohan lamang ang pagtataas ng benepisyo.
Sa kanilang pag-aaral, dagdag niya, mauuwi sa pagka-bankrupt ang SSS sa susunod na 11 taon kung inaprubahan niya ito.
"Matutuwa 'yung 2.15 million, mapapahamak 'yung 30 million. Tama ba 'yun? Doon nagsimula ang desisyon natin na kailangan i-veto ang measure na ito dahil hindi natin kayang i-sustena 'yung ating SSS system," wika ni Aquino.
Nilinaw naman ng Pangulo na pwedeng mabaligtad ng Kongreso ang kaniyang desisyon kung aabot sa two-thirds ang boto.