MANILA, Philippines – Nais ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo na patawan ng LTFRB ng mas mabigat na parusa ang mga abusadong taxi driver upang maprotektahan ang mga pasahero, lalo na ang mga babae’t bata.
Ginawa ni Robredo ang pahayag kasunod ng pag-upload ng isang babae ng video ng pagmumura at pagbabanta ng isang taxi driver.
Inihain sa Kamara ang Bill of Rights of Taxi Passengers sa Kamara ngunit nabigong makalusot sa committee level.
Sa ngayon, suspension at kanselasyon ng lisensiya ang naghihintay sa abusadong taxi drivers. Ipapataw ang parusa kasunod ng serye ng pagdinig sa LTFRB office.
“Kung pabibigatin pa ng LTFRB ang multa sa mga abusadong taxi driver, siguradong mababawasan ang mga ganitong uri ng insidente,” wika ni Robredo.
Nananawagan din si Robredo sa taxi drivers na itaas ang antas ng propesyon sa pamamagitan ng pagiging magalang sa mga pasahero sa lahat ng oras.