MANILA, Philippines – Tinawag na “walang puso”ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares si Pangulong Aquino matapos nitong i-veto ang panukalang SSS pension increase.
Sinabi ni Colmenares, pangunahing may akda ng House Bill 5842, na maituturing na “anti-pensioner, anti-poor at anti-worker” ang Pangulo dahil sa naging hakbang nito.
Ayon kay Colmenares, walang katotohanan na malulugi at mauubos ang pondo ng SSS pagdating ng 2029.
Sinabi ni Colmenares na sa kanilang pag-aaral ang SSS sa US ay may fund life hanggang 2035, hanggang 2027 sa United Kingdom at 2033 sa Canada.
Lahat ng SSS ay sinabing malulugi at kakapusin sa pondo pero wala umanong SSS na babagsak kahit saan man sila.
Ayon kay Colmenares, araw-araw ay may milyon pisong kitang nakukuha sila dahil may mga bagong empleado. Oras na tumaas ang employment rate tiyak tumataas ang SSS funds.
Kailangan lang itaas ang antas ng koleksyon para matiyak na tatagal ang pondo ng SSS at tanggalin o bawasan ang perks ng mga opisyal sa SSS.
Ayon kay Colmenares, maaring ma-override ang veto ni PNoy sa pamamagitan ng 2/3 votes ng mga kongresista sa Kamara at mga senador.
Tanong naman ni Gabriela Partylist Rep. Luz Ilagan, bakit vineto ni Pnoy ang SSS pension increase gayung ang mga senior citizen, na silang mga pensioner, ang labis na nangangailangan ng pension increase, at nauna na rin umano itong inihayag ng SSS na ‘financially robust’ sila at maganda ang financial standing.
Sa katunayan, ay halos lumalangoy umano sa naglalakihang bonuses ang mga executive ng SSS.
Kapwa naman hinimok nina Colmenares at Ilagan ang Senado at Kamara na i-override ang Aquino veto upang maging ganap na batas ang SSS pension bill.