MANILA, Philippines – Sinibak ng Malacañang ang kontrobersiyal na presidente ng Home Guaranty Corporation (HGC) na si Manuel Sanchez, epektibo noong Lunes.
Ayon sa mga source sa Palasyo, nagdesisyon si Pangulong Aquino na alisin na si Sanchez sa posisyon bunga na rin ng samu’t-saring mga eskandalo at kontrobersya na kinasangkutan ng ahensiya sapul ng maitalaga siya sa posisyon noong 2010.
Itinalaga naman ni Pangulong Aquino bilang ‘officer-in-charge’ (OIC) si HGC vice president Corazon Corpus.
Matatandaang nalugi ang HGC ng humigit kumulang sa P16.8 bilyon dahil sa umano’y mga “maling” polisiya at ‘mismanagement,’ na batay naman sa ulat ng Commission on Audit (COA).
May mga nakabinbin ding mga reklamo ng katiwalian sa Ombudsman laban kay Sanchez dahil umano sa mga maanomalyang mga transaksyon na pinasok ng HGC sa ilalim ng kanyang pamumuno kung saan umabot umano sa higit P12.77 bilyon ang naging pagkalugi nito.
Batay pa rin sa mga taunang ‘audit report’ ng COA, kuwestyunable, kung hindi man direktang iligal ang mga pinasok na ‘bond flotation’ ng HGC dahil labas ito sa awtorisadong kapangyarihan ng ahensiya at maglalagay sa kakayahan nitong patuloy na pondohan ang programang murang pabahay ng pamahalaan. Matagal na rin umanong ‘financially distress’ ang HGC, dagdag pa ng COA.
Noong nakaraang taon, umani rin ng matinding batikos si Sanchez at ang HGC sa hanay ng mga mambabatas matapos itong tumangging makipag-usap sa mga ‘stakeholders’ ng ahensiya at pagbebenta ng mga ‘assets’ ng HGC na hinihinalang ‘pabaon’ sa mga opisyales nito.