MANILA, Philippines – Sa unang araw ng kanyang tatlong araw na pagbisita sa United Arab Emirates, nangako si Vice President Jejomar Binay na ipupursige niya ang magandang relasyon sa mga bansa sa Gitnang Silangan na tahanan ng may 2.7 milyong Overseas Filipino Worker.
Tiniyak din ni Binay sa mga manggagawa na, kapag nahalal siyang presidente, magiging prayoridad ng kanyang administrasyon ang paglalaan ng mga trabaho sa Pilipinas para maging usapin na lang ng pagpili sa halip na pangangailangan ang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Nangako rin siya na pag-huhusayin ang pagsisikap ng pamahalaan na tulungan ang mga gipit na OFW kasabay ng paggigiit sa kanyang panukalang lumikha ng isang espesyal na tanggapan ng pamahalaan na tutulong sa mga pamilya ng OFW na ang kaanak ay may kinakaharap na blood money case.
Sa kasalukuyan ay merong 900,000 manggagawang Pilipino sa UAE, ayon sa 2013 Commission of Filipino Overseas Compendium of Statistics. Batay naman sa UAE Labor Ministry, merong 574,336 Pilipino sa naturang bansa hanggang noong 2014.
Sa Abu Dhabi, nakipagpulong ang Bise Presidente kay Crown Prince of Abu Dhabi at Deputy Supreme Commander of the UAE’s Armed Forces, Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan.
“Nakakagulat ang pulong. Sinabi lang sa amin ngayong Martes. Hindi ito bahagi ng iskedyul. Pero isa siyang magandang oportunidad,” sabi ni Binay. “Sinabi ni Sheikh Mohammad na nais niyang dumalaw sa Pilipinas sa hinaharap.”
Dinalaw din ni Binay ang 39 na OFW na nasa pangangalaga ng Philippine Overseas Labor Office. Kabilang dito ang mga biktima ng pagmamaltrato at human trafficking. Tinalakay dito ni Binay ang kanilang mga kaso at nangako na tutulungan silang makauwi sa Pilipinas.
Naging panauhing pandangal din si Binay sa isang Filipino community event na handog ng Bayanihan Council.