MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Arthur Lim na tapos na ang bangayan sa pagitan nina Comelec Chair Juan Andres Bautista at Maria Rowena Guanzon.
Ayon kay Lim, anumang gusot ay naayos na at dapat nang kalimutan.
“Ang mahalaga ay natapos na ang gulo. So all is well that ends well,” ani Lim.
Nagkaroon ng wordwar sina Bautista at Guanzon bunsod na rin ng pagsusumite ng comment ng huli sa Korte Suprema kaugnay ng apela ni Senator Grace Poe sa kanyang disqualification case sa 2016 presidential election ng walang approval ng Comelec en banc.
Sinabi ni Lim na maayos ang Comelec at nagkakaisa sila upang maipatupad ang anumang nakasaad sa Konstitusiyon.
Mas pinagtutuunan nila ngayon ng pansin ay ang preparasyon para sa halalan upang maiwasan ang anumang aberya.
Tiniyak ni Lim sa publiko na nasa tamang direksiyon ang Comelec kaugnay ng gaganaping halalan kung saan inaasahan na ang pagdating ng mga voting machines sa bansa.
Humarap sa media ang pitong miyembro ng Comelec en banc na kinabibilangan nina Bautista, Commissioners Guanzon, Christian Robert Lim, Luie Tito Guia, Al Parreño, Sheriff Abas at Arthur Lim.