MANILA, Philippines – Tuloy ang temporary restraining order ni Sen. Grace Poe.
Ito’y matapos na pagtibayin ng Supreme Court (SC) en banc ang dalawang TRO sa disqualification cases laban sa senadora.
Nabatid na sa ginanap na en banc session, 12-3 ang resulta ng botohan, para pagtibayin ang TRO na inilabas ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno noong December 28, 2015 para kay Poe.
Nangangahulugan itong hindi pa maaring tanggalin ng Commission on Elections (Comelec) ang pangalan ni Poe sa listahan ng mga official candidates.
Kasabay nito ay pinagbigyan ng Korte Suprema ang hirit ng kampo ni Poe na pag-isahin na lamang ang dalawang disqualification cases laban sa kaniyang kandidatura sa pagka- Pangulo sa 2016 elections.
Ipinagpaliban naman ang oral argument na itinakda sa January 19 at iaanunsyo na lamang kung kailan ang bagong schedule.
Ang oral argument ay kaugnay sa petisyon ng natalong senatorial candidate na si Rizalito David na kumukuwestyon sa ruling ng Senate Electoral Tribunal (SET) na isang natural-born Filipino citizen si Poe.