MANILA, Philippines – Pinaaaksyunan ni Sen. Sonny Angara sa mga kinauukulan ang mga reklamo ng publiko kaugnay sa napakataas na fare charge ng mga airport taxi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa senador, bukod sa negatibo ang magiging epekto nito sa imahe ng Pilipinas, mistulang pinalalayas pa natin sa bansa ang mga dayuhan.
Panahon na aniya para busisiin ito ng mga opisyal sa airport, gayundin ng transport officials ang napakatagal ng problema dahil posibleng ito pa ang pagsimulan ng pagbagsak ng turismo ng bansa.
Sa isang post ng Top Gear Philippines na kumalat sa Facebook, nilapitan umano sila ng isang yellow airport taxi na agad umano silang prinesyuhan ng driver nito ng halagang P1,800 mula NAIA Terminal 2 hanggang Mandaluyong.
Sa halip na sumakay, tiniis na lang ng grupo ang mahabang pila para sa ordinaryong taxi na sumingil lamang sa kanila ng halagang P320.
Isa naman umanong Amerikano ang kinontrata sa napakalaking halaga na P3,200 mula lamang sa airport hanggang sa Makati.
Sa kasalukuyan, ang flag down rate ng mga ordinaryong taxi ay P40 lamang at dagdag na tig-P3.50 kada 300 metro, samantalang ang flag down rate ng airport taxis ay P70 at dagdag na P4 kada 300 metro.
Noong Abril nang nakalipas na taon, pinayagan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga ‘di rehistradong metered taxi na kumuha ng mga pasahero sa arrival areas ng NAIA 2 at 3, sa kondisyong papasok lamang sila roon kapag peak hours at dagsa ang mga pasahero.