MANILA, Philippines – Lumala pa ang sigalot sa pagitan nina Commission on Elections Chairman Andres Bautista at Commissioner Rowena Guanzon.
Nag-ugat ito sa sinasabing di awtorisadong pag-file ng comment nina Guanzon at Comelec Legal Division Chief Maria Norina Tangaro Casingal, ayon sa utos ng Korte Suprema para sa petisyon ni Sen. Grace Poe, pagkatapos na diskwalipikahin ng Komisyon ang huli dahil sa kulang nito sa residency requirement at kuwestyon sa citizenship.
Umalma kamakailan si Guanzon ng kuwestyunin ni Bautista ang awtoridad nitong maghain ng Comment sa kaso. Sinabi nitong awtorisado siya ng Comelec en banc at mapatutunayan ito ng rekord ng pagpupulong ng Komisyon.
“This is my challenge to Chairman Bautista. Let us open all the records and minutes of the Commission to show to the public how the Commission members, in the spirit of transparency, acted in the discharge of their functions,” pahayag ni Guanzon. Mabuti raw na magkaalaman na kung sino talaga ang tunay na nagsisilbi sa interes ng publiko at hayaang taumbayan ang humusga sa kanila.
Isa si Bautista sa bumoto pabor kay Poe kaya’t hindi ito makatayong kinatawan ng Komisyon sa kasong ito dahil taliwas ito sa posisyon ng nakararami sa Comelec.
Igiit nito na ang konstitusyon ang kanilang boss at hindi si Bautista.
”Bakit niya ako iisyuhan ng memo? Empleyado ba niya ako?” dagdag pa ni Guanzon.
Hindi naman nakaligtas si Poe kay Guanzon dahil sa pagtatawag nito ng imbestigasyon tungkol sa pangyayari. Maituturing daw na paghihiganti ito ni Poe dahil natalo ito sa kaso at bumoto si Guanzon at iba pang Commissioner laban kay Poe.
“It is improper for Senator Poe who lost her case before the Commission to urge Chairman Bautista to probe us Commissioners. He has no power to do that and that would be seen by the public as retaliation,” dagdag ni Guanzon. Inulit nito na independente at walang kapangyarihan si Poe na gawin ito dahil hindi nito saklaw ang Comelec.
Samantala, diretsong hinamon ni Guanzon ang running mate ni Poe na si Sen. Chiz Escudero dahil sa pagpuna nito sa sinasabing maling desisyon ng Comelec na diskwalipikahin si Poe. “If you are such a good lawyer, why don’t you lawyer for Grace Poe? See you in the SC,” sabi ni Guanzon sa kanyang Twitter account.
“As an honest public servant with 20 years of government service, I have never walked away from a good fight especially when my integrity was impugned,” diin ni Guanzon. “Politicians like Poe should respect the Constitution and our independence,” pagtatapos nito.