MANILA, Philippines – Sa pagsisimula ng election gun ban kahapon, pinangunahan mismo nina Commission on Elections Chairman Andres Bautista at Philippine National Police chief Director General Ricardo Marquez ang pag-inspeksyon sa mga checkpoints para sa pagsisimula ng election gun ban.
Batay sa Comelec Resolution No. 9981 o Calendar of Activities for the May 9 elections, umpisa kahapon, Enero 10, 2016, bawal na ang pagdadala ng baril o anumang nakamamatay na armas, maliban na kung ito ay may pahintulot ng Comelec. Dapat umano na ang permiso ay nakasulat at pirmado ng mga kaukulang opisyal.
Exempted sa gun ban sina Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, Vice President Jejomar “Jojo” Binay, mga senador, kongresista, cabinet members, justices at iba pang law enforcement agencies.
Sa paglilibot ng grupo ni Bautista, kontento naman sila sa paraan ng Philippine National Police sa pagsasagawa ng checkpoint.
Kailangan aniyang masunod ang mga patakaran upang huwag malabag ang karapatang pantao ng mga mamamayan.
Dapat ang checkpoint ay nasa maliwanag na lugar, may tamang signage, malinaw na makikita ang opisyal na nangangasiwa ng aktibidad at nakapwesto ang official vehicle ng pulisya.
Hindi naman maaaring basta pasukin ng mga pulis ang sasakyang iinspeksyunin o pwersahang pababain ang sakay nito kung walang sapat na dahilan.
Kung may reklamo aniya sa implementasyon ng checkpoints, maaari itong idulog sa punong tanggapan ng PNP at Comelec.
Tiniyak ng Malacañang na ang pagpapatupad ng gun ban kaugnay ng halalan sa Mayo 2016 elections ay pamamaraan din upang mapigil ang mga illegal na baril, ayon Kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
Simula na ng pagpapatupad ng gun kaugnay sa darating na presidential Election sa May 9.
“Yung pagpigil sa maling paggamit o iligal na paggamit ng armas ang isa sa pinakaepektibong paraan para matiyak ang seguridad ng mga mamamayan at ang kaayusan ng ating halalan,” wika pa ni Coloma sa dzRB.
Aniya, hinihiling din ng Palasyo sa taumbayan ang pakikiisa sa ipapatupad na checkpoints ng PNP at AFP na deputized ng Comelec.