MANILA, Philippines – Hiniling ni dating LRTA chief Mel Robles na huwag tanggalin sa Gabinete ng pamahalaang Aquino si DOTC Secretary Jun Abaya bagkus ay ilipat na lamang ito bilang secretary ng Department of Finance.
Sinabi ni Robles na mas tama at akma kay Abaya na sa Finance department mailagay ni Pangulong Noynoy dahil marami umano doong pera.
“Dati wala namang problema sa mga tanggapan na nasa ilalim ng DOTC, bakit ngayong si Abaya ang humawak ng DOTC dumami ang problema, andiyan ang problema sa MRT, problema sa car plates at stickers, problema sa mga barko, problema sa airports, dahil ano?” pahayag ni Robles.
Kinuwestyon din ni Robles ang maanomalyang pagkupkop ng DOTC sa Filipino-Korean group na Busan Transporation Corp-Edison Construction-Tramat Mercantile-TMICorp-at Castan Corp. bilang three-year maintenance contractor ng MRT. Anya, mas malalang problema at patong patong na kaso ang kakaharapin ng DOTC sa kontrata dahil wala itong bidding.
Hindi rin anya naniniwala si Robles na may emergency kung bakit na-extend ng isang buwan ang kontrata ng maintenance contractor Schunk Bahn Industrietechnik at Comm Builders & Technology.
“Ang totoo diyan, yang papalit na Korean company ay wala pang kakayahan na pangasiwaan ang kontrata, yan ang tunay na dahilan kung bakit na-extend ng isang buwan ang Schunk Bahn, walang emergency diyan!” pahayag ni Robles.