MANILA, Philippines – Umpisa na ngayong araw (Enero 10) ang pagpapatupad ng gun ban kaugnay ng May 9 elections sa bansa.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez, bawal na ang pagdadala ng baril at sinumang lalabag dito ay aarestuhin. Alinsunod sa gun ban kanselado muna ang lahat ng Permit To Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR).
Tanging ang mga naka-duty na mga pulis, sundalo at iba pang law enforcement agencies na nakasuot ng kumpletong uniporme ang pinahihintulutang magdala ng baril.
Itinakda ang gun ban mula alas-12:01 ng madaling araw ng Enero 10 at tatagal hanggang Hunyo 8, o isang buwan matapos ang eleksiyon.
Dahil dito, nagpaalala muli ang Commission on Elections (Comelec) na sa pagpapatupad ng gun ban ay asahan na rin ang pagdami pa ng checkpoints na ilalagay ng mga awtoridad sa buong bansa.
Sinabi naman ni AFP Chief Gen. Hernando Iriberri, kabilang sa kanilang tututukan ang paglalansag ng mga Private Armed Groups (PAGS) na banta sa eleksyon.
Sa malalayong kanayunan kung saan umiiral ang Permit to Win at Permit to Campaign Fees ng NPA sa tuwing eleksyon ay maigting ring tutugunan ng AFP.
Kabilang sa anim na lalawigan na nauna nang tinukoy ng PNP na mga hotspots sa halalan ay ang Masbate, Pangasinan, Negros Oriental, Samar, Maguindanao at Lanao del Sur.
Hinikayat din ng mga opisyal ang publiko na ireport ang paglabag sa gun ban sa pamamagitan ng mga camera phones at iba pang gadgets at i-post ito sa social media.