MANILA, Philippines – Dalawang deboto ang nasawi sa kaganapan ng Traslacion ng Itim na Nazareno kahapon.
Kinilala ang 27 anyos na deboto na si Alex Fulledo, na nasawi sa tapat ng Bonifacio Shrine, tabi ng Manila City Hall na dinaanang ruta ng prusisyon.
Ang biktima ay taga Blumentritt, Sampaloc, Maynila na nakitang nag-seizure at nawalan ng malay matapos mahirapang huminga, makaraang sumampa sa andas at pansamantalang namahinga sa tapat ng City Hall.
“Sumama po siya sa pagpasan, pagbuhat at nagprusisyon. Namamahinga na po siya and doon po siya inatake,” pahayag ni Philippine Red Cross Secretary Gwendolyn Pang.
Sinubukang i-revive ng medical team ang lalaki sa medical tent ng PRC subalit binawian na ito ng buhay.
Samantala ang isa pang deboto na si Mauro Arabit, 48, ay namatay matapos itong atakihin sa puso habang nakatayo sa may pader sa kahabaan ng Evangelista St. Quiapo, Maynila dakong alas-2 ng madaling araw.
Nagawa pang isakay sa ambulansya ang biktima patungo sa Jose Reyes Memorial Hospital and Medical Center pero idineklara na itong dead on arrival.
Sa pagtaya ng PRC nasa 851 deboto ang nabigyan ng atensyong medikal kabilang ang mga nasugatan na naitala dakong alas-4 ng hapon nitong Sabado.
Nabatid na marami rin ang sinumpong ng high blood pressure, nahilo at hinimatay na mga deboto.
Nasa 26 ang maituturing na major cases gaya ng spine injuries, nabalian ng braso, at na-stroke.
Pero kung ikukumpara sa dami ng mga sugatan nitong 2015 na tumama sa 4,000 matapos ang 19-oras na prusisyon, higit itong mas mababa.
Napaulat rin na marami ang nabiktima ng mga mandurukot kabilang ang isang reporter ng Radio Mindanao Network na nawalan ng P4,000, ATM card at ID habang nagko-cover sa kasagsagan ng prusisyon.
Batay sa pinakahuling crowd estimate ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong alas-3:00 ng hapon, mula sa naunang 1.5 milyong deboto ay bumaba na ito sa 1.303 milyon.
Unang inasahan na bubuhos ang abot sa 10 milyong deboto ng Nazareno ngayong weekend.
Samantala, mula sa higit 100,000 deboto sa loob at labas ng Simbahan ng Quiapo, nasa 70,000 na lang ang dami ng mga deboto rito.
Nagsimulang umusad ang prusisyon dakong alas 5:40 ng umaga mula sa Quirino Grandstand, na mas maaga kumpara sa nakalipas na taon na nagsimula ang Traslacion o prusisyon pabalik sa Minor Basilica church ay alas 8:00 na ng umaga.
Dalawang beses nakitang naputol ang isang kamay ng krus na pasan ng Nazareno habang ipinuprusisyon sa bahagi ng Carlos Palanca st., papasok sa ilalim ng Quezon Bridge.
May 5 minutong pagitan nang muling matanggal ang isang kamay ng krus na nakitang sumabit sa mga kawad ng kuryente na sala-salabat at nakalaylay.
Naging mapayapa naman ang pangkalahatang pagdaraos ng traslacion.
Nasa 5,000 pulis at 900 sundalo ang nangalaga sa seguridad ng makasaysayang okasyon.