MANILA, Philippines – Magsasagawa ng isang emergency hearing si Sen. Grace Poe kasunod ng mga ulat ng biglaang pag-atras ng maintenance service provider ng MRT-3 dahil sa padalus-dalos na paggawad ng kontrata.
Ikinaalarma ni Poe, chair ng Senate sub-committee on public services, na tatakbo ang mga tren ng MRT ng walang maayos na pagmamantina na maaaring magdulot ng panganib sa mahigit 600,000 pasahero na sumasakay sa MRT-3 araw-araw.
Sinasabing umatras ang Busan Transport Corp., ang Korean firm at minority partner sa consortium na kinabibilangan ng apat na Pilipinong kumpanya na walang kaalamang teknikal sa pagmamantini ng riles, sa P3.8 bilyong kontrata nito sa DOTC na tatagal ng tatlong taon, dahil sa takot na mademanda dahil sa paraan kung paano naibigay ang kontrata.
Ang consortium, na nakakuha ng kontrata noong isang buwan sa isang “closed-door negotiations” sa mga opisyal ng DOTC sa halip sa pamamagitan ng isang public bidding, ang dapat papalit sa PH Trans para sa pagmamantina ng MRT-3 sa Enero 6.
“Noon pa namin tinatanong sa kanila na yung inyong sinasabing Korean partner na may technical expertise, ilang percent ba ang ownership nila? At parang lumalabas na wala pa yatang five percent ownership, at ngayon nga umatras na,” ani Poe.
Titingnan ng komite kung puwedeng humarap sa pagdinig sina DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya at iba pa na sinasabing sangkot sa pagbibigay ng naturang kontrata para sa maintenance ng MRT-3.
“Alam niyo, ang sakit din ng DOTC ‘pag magpapatawag ka ng hearing ay biglang meron silang mga out of town trips, o meron silang mga kasabay na mga seminar or kung anuman ang kailangan nilang daluhan,” bigay diin ni Poe.
Sa huling pagdinig sa isyu ng MRT maintenance noong Nobyembre 9, 2015 ay nagbigay umano ang DOTC ng mga deadlines kung kailan made-deliver yung mga bagong train at kung kailan maaayos ang mga escalator.
Ngunit magpahanggang ngayon, ang mga escalator at iba pang pasilidad ng MRT ay sira pa rin.