MANILA, Philippines – Pinamamadali ni Valenzuela Rep. Win Gatchalian ang pagpasa ng House Bill 3681 o ang Bill of Rights of Taxi Passengers.
Ito ay upang maproteksyunan ang mga pasahero ng taxi matapos na mag-viral sa social media ang pambabastos ng isang taxi driver sa babaeng pasahero nito matapos na tumangging magbigay ng karagdagang bayad sa metro nito.
Ipinakita sa Facebook account ni Joana Garcia kung paano siya tinakot at trinato ng drayber nang hindi siya pumayag na magbayad ng P250.00 para ihatid siya sa POEA dahil ang gusto ng biktima ay bayaran lamang ang halaga ng metro sa taxing sinasakyan niya.
Ayon kay Gatchalian, ng mapanood niya sa facebook ang video ay hindi niya maiwasang magalit dahil sa ang mga pasahero lalo na ang mga kababaihan ay lantad sa pag-aabuso ng mga taxi drivers na maaari namang maiwasan kung may batas para sa karapatan ng mga pasahero ng taxi.
Marami na rin umanong natatanggap na reklamo mula sa kanyang mga constituents at mga kaibigan ang kongresista tungkol sa mga taxi driver kaya ito ang naging dahilan para ihain nito ang “Bill of Rights of Taxi Passengers” at isulong ang pagsasabatas nito.