Walang blackout sa 2016 polls

MANILA, Philippines – Hihingin ng Commission on Elections (Come­l­ec) ang tulong ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police upang matiyak na walang magaganap na blackout sa halalan sa Mayo.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, makikipag-ugna­yan sila sa mga sundalo at pulis upang mabigyan ng sapat na seguridad ang mga tower.

Sinabi ni Bautista na makabubuti din kung tutulong ang publiko sa pamamagitan ng pagrereport sa mga awtoridad ng mga grupo na nagpaplano ng pananabotahe sa power supply.

Gayunman, sinabi ni Bautista na madali lamang na masolusyunan ang problema ng blackout sa Metro Manila dahil maaa­ring hingin ang ayuda ng mga private establishments partikular ang mga mall na may generators.

Aniya, 100 porsiyento ang back-up ng mga private companies kaya’t maaaring humingi ng tulong sakaling magkaroon ng aberya.

Una nang nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na posibleng magkaroon ng malawakang blackout sa Mindanao sa panahon ng halalan matapos ang sunud-sunod na pambobomba ng mga tower sa lugar.

 

Show comments