MANILA, Philippines – Inaasahang magigisa si dating Justice Secretary Leila De Lima sa muling pagbubukas ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order tungkol sa Mamasapano massacre kung saan 44 miyembro ng Special Action Force ang namatay noong nakaraang taon.
Ayon kay Sen. Bongbong Marcos, nais niyang alamin kay de Lima kung bakit hindi pa kumpleto ang benepisyong ipinangako sa pamilya ng mga biktima.
Dapat ding linawin ni de Lima kung bakit hindi pa rin nakakamit ang katarungan para sa mga namatay na SAF.
Hihingan din ng paliwanag si de Lima kung press release lamang ang sinasabi niyang hanggang 90 kasong murder na isasampa sa mga hinihinalang suspek.
“Sabi niya hanggang 90 ang kakasuhan ng murder eh kelan pa ba nya sinabi yun. Ang Mamasapano nangyari January 25 last year ah nasa January 6 na tayo wala pang nangyayari,” dagdag ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na mas importante sa pamilya ng mga biktima ang hustisya at hindi ang mga benepisyong dapat nilang makuha.
“Well yun ang hinahanap ng mga familya ng SAF 44 yun lang naman ang gusto nila, hustisya. Mula pa noong simula nugn sinalubong ko yung mga bangkay sa Villamor kinakausap ko ang mg apamilya palaging ganun ang kanilang sinsabi na wag kalimuntan bigyan nyo kami ng katarungan wala silang binabanggit tungkol sa benefits, sa scholarship kahit na ano pa yun lang ang kanilang hinihiniling pero hind pa rin maibigay sa kanila ito,” ani Marcos.
Pipilitin umano nitong dumalo sa pagdinig si de Lima upang maipaliwanag ang mga nabanggit na isyu.