MANILA, Philippines – Ipatutupad ng PNP-Police Security and Protection Group (PSPG) ang ‘total recall’ sa 800 police security escorts na nakatalaga sa mga pulitiko at mga pribadong indibidwal kaugnay ng May 2016 elections.
Sinabi ni PNP-PSPG Director P/Chief Supt. Alfred Corpuz, ang ire-recall na mga police security escorts ay mula sa mahigit 1,000 nilang mga tauhan na nakadeploy sa mga pulitiko kabilang ang mga kakandidato sa halalan at mga pribadong indibidwal tulad ng mga kilalang negosyante.
Ayon kay Corpuz, bibigyan nila ng palugit na hanggang Enero 11 o sa Lunes ng susunod na linggo para mag-report na sa kanilang tanggapan sa Camp Crame ang nasabing mga security personnel para sa kaukulang accounting.
Inihayag ni Corpuz na tanging ang mga pribadong indibidwal na nabigyan ng police security escorts at ang mga pulitikong tatakbong muli sa anumang posisyon sa gobyerno sa eleksyon ang kanilang tatanggalan ng escorts alinsunod sa isinasaad ng Comelec Resolution.
Samantala kung kailangan ng mga kandidato ng escorts ay maari ang mga itong muling mag-apply pero kailangan na aprubado o humingi muna ng clearance mula sa Comelec bago nila bigyang muli.
Batay sa umiiral na resolusyon ng Comelec tanging ang Presidente, Bise Presidente, House Speaker, Chief Justice, Defense Secretary, DILG Secretary, Comelec Chairman at hepe ng AFP at PNP lamang ang hindi maaaring alisan ng security escorts.
Nabatid sa opisyal, lahat ng may clearance sa Comelec ay kanilang bibigyan ng dalawang security escorts pero nilinaw nito na hindi na mga pulis o tauhan ng PSPG ang kanilang ipadadala kundi mga protection agent mula sa mga accredited na mga security agency na awtorisado ng kanilang tanggapan.
Sa tala nasa 891 pulitiko at mga pribadong indibidwal ang nabigyan ng PSPG ng mga police security escorts.