MANILA, Philippines – Hiniling ni Valenzuela City Rep. Win Gatchalian sa PNP na mahigpit na ipatupad ang batas laban sa illegal na paputok kasabay ang panawagan na magsagawa ng crackdown laban sa gumagawa ng illegal na paputok sa bansa.
Katuwiran ng kongresista, mababalewala lang ang firecracker ban kung hindi rin naman matitigil ang paggawa nito.
Aniya, kahit maipatupad pa ang panawagan na tuluyang pagbabawal sa lahat ng uri ng paputok gaya ng panawagan ni Health Sec. Janet Garin ay mawawalan ng saysay kung hindi maipapatupad ng mahigpit ng pulisya ang provisions sa Republic Act No. 7183 o batas ukol sa fireworks industry.
Ipinagtataka naman nito kung bakit nagagawa ng media na matunton ang mga pagawaan ng delikadong paputok habang ang mga otoridad sa Bulacan ay tila nangangapa.
At kung magawa man umano ng mga ito na kumpiskahin ang mga ipinagbabawal na paputok ay wala namang naaaresto.
Matatandaan na naghain ng panukala si Gatchalian para amyendahan ang kasalukuyang batas kontra sa paputok kung saan hihigpitan ang pagbili at pagbebenta nito at tinaasan rin ang multa at parusa sa mga lalabag.