Isali sa SSL4 retired AFP, PNP umentuhan din - Trillanes

Ayon kay Trillanes, pa­ngunahing author at sponsor ng Senate Bill No. 2671 o ang panukalang SSL4, sa ilalim ng kanyang orihinal na panukala sa Senado, ang mga pensyon ng mga retiradong miyembro ng mga nasabing organisasyon ay tataas rin kasabay ng pagtaas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno, alinsunod sa Presidential Decree 1638 at Republic Act No. 8551. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV kay Pangulong Aquino na isama ang mga retired members ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police at iba pang uniformed services sa Salary Standardization Law 4.

Ayon kay Trillanes, pa­ngunahing author at sponsor ng Senate Bill No. 2671 o ang panukalang SSL4, sa ilalim ng kanyang orihinal na panukala sa Senado, ang mga pensyon ng mga retiradong miyembro ng mga nasabing organisasyon ay tataas rin kasabay ng pagtaas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno, alinsunod sa Presidential Decree 1638 at Republic Act No. 8551. 

Pero  sa bersyon na itinutulak ng Malacañang, ang probisyong ito o tinatawag na indexation ng military pension ay tinanggal dahil sa sinasabing matinding kakapusan sa budget ayon sa Department of Budget and Management.

Hindi naaprubahan ng Kongreso bago magsara ang sesyon noong Disyembre ang panukala dahil sa magkaibang bersyon na tinutulak ng bawat Kapulungan. 

Kasama ang pagtaas ng pensyon ng mga retiradong miyembro sa bersyon ng Senado, samantalang ang bersyon ng Malacañang naman ang itinutulak ng Mababang Kapulungan. 

Umaasa si Trillanes na tututulan ng Malacañang ang pagsama ng indexation provision sa SSL4, na maaa­ring mag-aantala sa agarang pagpapatupad ng panukala at makakaapekto sa mga kawani ng gobyerno, kung kaya’t umaapela si Trillanes sa Pangulo. 

“Naniniwala tayo na ka­rapat-dapat lamang na isama ang mga retiradong miyembro ang AFP, PNP at ibang uniformed services sa batas na ito. Ibinuwis nila ang kanilang buhay para lamang maging ligtas ang ating bansa at matamasa natin ang demokrasya na nararanasan natin ngayon,” ani Trillanes. 

Sa P3.002 trilyon national budget para sa 2016, P57.9 billion ay nakalaan para sa pagpapatupad ng unang bahagi ng SSL4. Karagdagang P9 bilyon ay kakailanganin para sa indexation ng mga retiradong sundalo at pulis sa unang taon ng pagpapatupad ng batas.

Show comments