MANILA, Philippines – Dapat nang matuldukan ang mga nagaganap na kalupitan at pang-aabuso sa mga kababaihan.
Ito ang binigyang diin ni LP vice presidential bet Leni Robredo sa ginanap na Women’s Conference on Peace and Development na dinaluhan ng 1,250 katao sa Pagadian, Zamboanga del Sur.
Sa naturang okasyon, iginiit ni Robredo ang pagpapatupad ng economic empowerment. Ito aniya ang susi sa pagbura ng kalupitan laban sa kababaihan.
“Nakikita po namin ang mga babaeng hindi pinaglalaban ang kanilang karapatan dahil wala silang pinagkukunan ng kanilang hanapbuhay,” wika ni Robredo.
Inihalimbawa ni Robredo ang pagtatag ng kanyang yumaong asawa na si Jesse ng Naga’s People’s Council noong mayor pa ito ng siyudad na nagbigay sa kababaihan ng ikabubuhay.
“Ang gobyerno ang bumibili ng mga produkto ng mga kababaihan para may sarili silang hanapbuhay. Ako po ang unang pangulo ng Naga City Women’s Council at tuloy tuloy na ang kabuhayan nila magmula noon,” wika ni Leni.
Ibinahagi naman ni Robredo ang kanyang karanasan sa pagtulong sa informal settlers at iba pang mahihirap sa pagbisita nito sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
“Buong buhay ko po ay inalay ko sa pagtulong sa mahihirap. Dumalaw ako sa inyo upang makita ang tunay na sitwasyon ng mga walang lupa at bahay para alam ko kung paano ako makatutulong pagdating ng panahon,” anya.
Nagtrabaho si Robredo bilang abogado ng Public Attorney’s Office bago sumali sa isang non-government group na nagbibigay ng libreng tulong ligal sa mahihirap na sektor ng bansa.